Ang sinasabi ng hairstyle

Itong mga nakaraang linggo, dalawang hairstyle ang nasa front page ng mga diyaryo at umiikot sa Facebook.

Ang isa ay ang hairstyle ni Navotas mayor Toby Tiangco nang siya at tumestigo para sa defense sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona at ang isa ay yung kay Charice Pempengco, na ngayon ay talaga namang sikat na sikat na sa mundo sa larangan ng pop music.

Si Tiangco, na tumestigo na ang kanyang pork barrel o Priority Developmetn Assistance Fund ay inipit nang hindi siya pumirma sa resolution para i-impeach si Corona ay dumating sa Senado na ang buhok ay parang kulay ng Dalmatian. Hinaluan ng kulay abo at puti ang buhok at nakatayo na parang nagulat.

Sabi nga ng isang kolumnista, sino ito, lalaking Cruella de Ville? Si Cruella de Ville ang kontrabidang karakter na ginampanan ni Glenn Close sa pelikulang 101 Dalmatians.

Parang hindi tuloy nakatulong sa defense team ang testimonya ni Tiangco dahil mahirap siya seryosohin. Dahil sa hairstyle.

Sa mga mas bata, ang dating ni Tiangco ay karakter sa Anime, ang cartoon na Hapon sa television.Para siyan siyang rocker na hindi maintindihan. Ano yun, rocker-mayor?

Si Charice naman ay naging blonde. Maigsi na ang buhok kontodo may tattoo pa siya. Parang napansin ko nga tumangos ang ilong. Para tuloy siyang Koreanang hilaw.

Karapatan ng bawat tao ang mag-ayos ng gusto niya.

Si Charice ay bata pa ang natural lang yun na dumadaan siya sa punto ng buhay niya na gusto niya pagbabago. Exposed siya sa international showbusiness kaya hindi nakakapagtaka na normal sa kanya ang ganung pagaayos sa sarili.

Ang buhok ang pinakapansin sa lahat na parte n gating katawan. Ang tawag nga sa buhok ay “crowning glory.”

Kung nakaramdam tayo na kailangan ang pagbabago, kadalasan pupunta tayo sa parlor at magpagupit. Sasabihin natin sa ating hairstylist, kung ano ang feel natin.

Sa mga babae, ang maigsi na buhok ay gusto ng mga aktibo at palaging nagmamadali. Hindi mahirap patuyuin at suklayin. Maganda ang mahabang buhok ngunit magastos sa shampoo kailangan ang tiyaga

Kapag ang tao ay magulo ang buhok na parang hindi nakasuklay, ang sabi natin, “malaki siguro ang problema niya.”

Kapag masyado naming ayos ang buhok na parang hindi gumagalaw kahit nahanginan, ang tingin natin istrikta at masungit. Maganda tingnan ang casual lang ngunit magaan. Sexy nga tingnan ang medyo napapalid ng hangin.

Naala-ala ko ang isang napag-usapan na hairstyle noon ay ang kay dating mayor ng Calauan, Laguna na si Antonio Sanchez na nakakulong ngayon sa kasong rape ng batang babae. Ang tamang naming ng hairstyle niya noon ay “heinous” o nakakagimbal at nakakamatay. Parang buhok din ni Saddam Hussein ng Iraq nang siya ay nahuli?

Ano naman ang hairstyle nyo?

Leave a Reply