Ang desisyun ng Korte Suprema na ibalik ng mga may-ari ng Hacienda Luisita ang halos 5,000 na ektaryang taniman ng tubo sa Tarlac sa mga magsasaka sa 6,296 na magsasaka ay pagkakataon ni Pangulong Aquino na ituwid ang pagkakamali ng kanyang pamilya, kasama na ang kanyang inang si pangulong Cory Aquino.
Ang Hacienda Luisita ay pagmamay-ari ng pamilyang Cojuangco. Nasabi na ni Pangulong Aquino noon na maliit lang ang kanyang parte sa Hacienda at hindi siya ang nagde-dedisyun kungdi ang mga kapatid ng kanyang ina.
The farmers, however, said the valuation should only be P50,000 per hectare provided under the 1989 stock distribution plan.
Ito ang isang isyu laban kay Aquino noong eleksyun. Mas maganda sana kung hindi na niya hinintay ang SC mag desisyun na ibalik ang lupain sa mga magsasaka na siya talaga dapat ang magmamay-ari ayun sa sa desisyun noong 2005 ng Presidential Agrarian Reform Council. Kaya lang hindi ganun ang nangyari.
Maala-ala natin na ginawang exemption ni Pangulong Cory ang Hacienda Luisita sa kanyang pinirmahan ng Agrarian reform program nang siya ay nilagay sa kapangyarihan ng People Power noong 1986.
Hindi na bale. Nandyan na yan. Sana kausapin ni Pangulong Aquino ang kanyang kamag-anak na huwag na mag-apela para masimulan na ang pagpamahagi ng lupa na ilang dekada ring pinagkait sa mga magsasaka na siyang dapat makinabang. Maraming buhay na ang nalagas sa pakipaglaban para sa lupang ito.
Sa kanyang komento tungkol sa desisyun ng Supreme Court (nagka-isa ang mga justices sa desisyung ito), halatang medyo hindi madali para kay Aquino tanggapin ang isang bagay na maka-apekto sa kayamanan ng pamilya.
Kasama kasi sa desisyun ng Supreme Court na ibalik ng may-ari ng HLI ang mga pera nakuha nila sa pagbenta ng ilang bahalgi ng lupain sa Bases Conversion Development Authority. P1.33 bilyun din yun.
Sa halip na matuwa na matuldukan na ang isyu na parang hindi mahilom-hilom na sugat na sabit ang kanyang pamilya, ang ginigiit pa rin ni Aquino ay “just compensation.”
Ano ba naman? Ilang taon nang nakinabang ang kanyang pamilya sa lupain na dapat ay matagal nang pinapakinabangan ng mga mahirap na magsasaka.
Parang-alalang-alala siya sa kalagayan ng kanyang mga mayayamang kamag-anak. Hindi sila maghihirap, ano, katulad ng paghihirap ng mga magsasakang pinagkaitan ng lupang kanila ng maraming taon.
Dapat ang asikasuhin ng pamahalaan ngayon ay matulungan ang mga magsasaka kung paano nila gamitin itong kanilang napanalunang lupain at pera sa makabuluhan na paraan para maka-ahon sila sa kahirapan.
Nakakatuwa ang mga reaksyun ng mga simpleng magsasaka sa desisyun ng Supreme Court. Sa tagal kasi ng kanilang paglalaban, parang sanay na sila na palagi silang natatalo. Ngayong nanalo na sila parang hindi sila makapaniwala.
Sana tuloy-tuloy na ang hustisya para sa kanila.