Resulta ng palaging pagsisinungaling

Sunod na sunod ang bombahan nitong mga nakaraang araw. Noong Martes lang, dalawang lugar ang binomba: sa Jolo, Sulu at sa Iligan, Lanao del Norte.

Noong Linggo, sa Cotabato City sa litsunan sa tapat ng simbahan.

Maraming namatay at badadagdagan ang bilang habang sinusulat ito dahil marami sa mga nasugatan ay grabe ang kalagayan.

May mga tinutukoy na ang mga awtoridad kung sino ang may kagagawan. Sa Cotabato City, tinuturo nila ang Moro Islamic Liberation Front at sabi nila ito raw ay panggulo para maalis ang atensyon ng military sa kanilang pagtugis kay Kumander Ombra Kato. Siyempre, tinataggi ng MILF.

Sabi nila ang bomba raw sa Iligan ay may kuneksyon sa pasabog sa Iligan.

Abu Sayyaf naman ang suspetsa nila sa Jolo at panggulo din daw para maibsan ang puwersa na tumutugis sa mga bandido na hawak pa hanggang ngayon si Eugenio Vagni ang Italyano na nagtatrabaho sa International Red Cross.

Sabi ni Justice Undesecretary Ric Blancaflor , spokesman ng Anti-Terrorism Council, lumalabas na itong mga pambubomba ay bahagi lamang ng malaking plano para magsabog ng lagim. Kung ano ang gusto nilang makamtan, hindi pa natin alam, sabi niya. Ang klaro ito ay kagagawan ng mga terorista na walang habag sa mga inosenteng sibilyan.

Sa programang Strictly Politics sa ANC noong Martes ng gabi, sinabi naman ni dating Pangulong Estrada na naniniwala siyang Abu Sayyaf at MILF ang may kagagawa. Sabi niya ang lumalabas sa mga bombahan na ito ay napakahina ng pamahalaan ni Arroyo. “Kayang-kaya ng mga rebelde,” sabi ni Estrada.

Kasama sa kahinaan ni Arroyo ay ang pagka walang kredibilidad. Nakakalungkot nga na mas maraming pang naniniwala sa MILF at sa Abu Sayyaf kaysa kay Arroyo at sa kanyang mga opisyal.
Marami akong narinig na nagsasabing itong pagbubomba ay kagagawan ng mga heheral ni Arroyo na ayaw bumitaw sa kapangyarihan.

Sa pagdalas ng pambubomba, lumalakas ang paniwala ng marami na ito lahat ay pakana nina Arroyo para magkaroon ng rason na magdeklara ng martial law.

Kung totoo naman talaga na kagagawan ng Abu Sayyaf o MILF ay may kaugnayan sa mga terorista sa labas ng bansa, ang sitwasyon ng Malacañang ay parang boy who cried wolf.

Ito yung kwento ng batang nagbabantay ng karnero na mahilig manloko at sumisigaw ng “Wolf! Wolf!”. Kunwari may dumadating na uso para atakihin ang mga karnero. Takbo naman ang mga tao para tulungan siya. Natutuwas siya na nakapanpolo siya.

Isang araw, dumating nga ang uso. Sumigaw siya ng tulong, hindi na naniwala ang mga tao. Ubos ang kanyang mga karnero.

Iyan ang resulta ng palaging pagsisinungaling.

Wait, there’s more!: Buy her a gift this Valentines! or send her flowers!

Leave a Reply