Eksena

May nakikita akong isang eksena sa isip ko.  tipikal na eksena sa mga hindi mo naman tyak na magugustuhang palabas na pinoy.  Isang restaurant na may dalawang babaing nag-uusap, mga boses na pumupuno ng ingay sa loob ng buong restaurant kasabay ng pagtunog ng mga kubyertos na ginagamit ng iba pang kostumer.

Pagkatapos iikot ang ang kamera, iikot ng iikot hanggang sa huminto sa dalawang bidang babae at lalaki. O pwede ring bidang babae at alalay na babae. Nag uusap ng walang kwentang bagay na syang pag-iikutan ng istorya.

Tipikal na pelikulang pinoy na kikita ng malaki sa mga sinehan.

Syempre hindi yan eksenang ako ang gumawa, masyado ng gasgas yan sa maraming pelikula.  Pero kung iisipin mayroon akong mga sariling bersyon o sariling plot na naiisip.  Mga plot na tinatahi-tahi ng marahil ay pagal kong mga utak.  Mga plot o eksena na hindi pinag aksayahang ilagay sa papel o itipa sa isang taypwayter.  Mga eksenang kalaunay naging mga naburang ala-ala na nakatala sa isang imbisibol na diary, mga kwento ng buhay  na hindi naman totoong  naganap o mga kwentong gusto mong maganap pero malabong maganap.

Yan ang nagagawa ng madalas na paglalakad ng walang patutunguhan o di kaya naman ng mga gabing hindi mo alam kung kailan ka dadapuan ng antok.

Pero yung eksena pagkatapos ng Bagong Taon, iba syempre.

Habang nakasuot ako ng robe na ginagamit ng mga pasyente at nakahanda na ang pagsasaksakan ng IV sa mga kamay ko, masigla ang isang puting mama na nakikipaghuntahan sa akin sa waiting room.  Siya nag-aantay na matapos ang operasyon ng asawa niya, ako naghihintay na matapos ang operasyon ng asawa niya para sumalang naman sa operating table.

Ang sabi ng matanda (trinansleyt sa Pilipino),” kung kumakain ka ng isda, hindi ka magkakaganyan.”

“Lumaki po akong mangingisda ang mga magulang ko, masarap po ang isda, iyan po ang laman lagi sa hapag kainan namin”, sabi ko (tama ba ang posisyon ng kudlit?)

“Pero matigas po ang ulo ko e”, dagdag ko.

Sa loob ng isa’t kalahating oras, naging mistulang kaibigan sya na naglalayo sa akin sa pag-iisip na nandoon ako para operahan, habang binubutas naman ng mga doktor at nurse ang dibdib ng asawa niya.

Pagdating ng nurse na siyang magpapasok sa akin sa operating room, siya namang madamdaming yakapan namin ng aunty ko at kasama sa bahay.  Walang iyakan, hindi kami masyadong madrama.  Parang kailangan lang magyakapan sa sitwasyon na ganoon.

Tatawa tawa ako habang nakasunod sa nurse na siyang humihila ng bed na gagamitin ko, sabi ko sa kanya ” sana katulad lang to ng panganganak ano?”

“Oh this is not worst than that”

Mababait ang mga tao sa operating room, kalmado ang lahat kahit na sabihin pang duguang lumabas ang asawa ng matandang kausap ko kanina sa waiting room.

Bawat isa may nakahandang ngiti sa akin, mga salita ng pangungumusta at mga tanong kung may kailangan ako o mga tanong na kailangan nilang sagutin.

Ang sabi ko lang  “Please take care of me”, naalala ko kasing may namatay na pinay na may kaparehong sitwasyon sa akin noong nakaraang taon.

“Of course, that’s why we’re here, we’ll going to take care of you.”

Parang hindi ko na matatapos ang eksenang ito, sa totoo lang sumasakit na ang pwet ko kauupo lol!

Heniways, ipinaalam ng nurse na isasaksak nya na ang IV, may ilang mga kable na idinikit sa likuran at dibdib ko pati na sa sentido ko.  kinabit ang blood pressure machine sa mga bisig ko at sabay tinanong ng “how do u feel?” ng isang nurse.

“I feel sleepy”, sabi ko

“Okay, we want u to do that”, sabay lagay ng oxygen sa bibig at ilong ko.  “Now have a deep breath.”

Naalala kong bago ako mawalan ng malay, tumawa tawa pa ako habang sinasabing.  I only watch this on Grey’s Anatomy and E.R.

Patlang………………………

Mahabang patlang………………….

ZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZ

Viewed 46 times by 20 viewers

Leave a Reply