Bilang Kristiyano, naniniwala tayo sa buhay sa langit kapag namatay tayo dito sa lupa.
Hindi natin alam kung ano klaseng komunidad ang nandun sa langit dahil wala naman tayong nakausap personal na galing doon ngunit ako ay naniniwala na ang paglisan natin dito sa mundo ay hindi katapusan na ng buhay.
Noong necrological services kay Haydee Yorac, ang respetadong abogada na naging commissioner ng Commission on Elections at chairperson ng Presidential Commission on Good Government, sinabi ko na kapag panahon ko na, hahanapin so siya doon sa itaas.
Napalad kasi akong mapalapit kay Haydee nang nag-cover ako sa kanya sa maraming okasyun. Nang pareho kaming nagkaroon ng ovarian cancer, palagi namin siya tinatawagan kapag may mga aktibidades sa Philippine General Hospital at kahit busy siya, palagi niya kami pinapaunlakan.
Natawa ang aming kaibigan na si Nelson Navarro sa aking sinabi.Sabi niya, “Akala mo naman sa langit merong mga address na hahanapin mo kung saan siya.”
Oo nga, ano. Ngunit naniniwala ako na magkita-kita tayo ng ating mga mahal sa buhay sa kabilang buhay. Ang nanay ko, nang siya ay nakaratay sa sakit, tuwing hapon yan tinatawag niya ang mga pangalan ng kanyang mga yumaong kapatid at magulang, Na para bang kina-kausap niya. Para bang sinusundo siya.
Naniniwala rin ako na kahit sa kabilang buhay na sila, palagi pa rin tayong binabantayan.
Namatay ang aking Nanay, isang araw bago ako ay inuperahan. Hindi ipina-alam ng aking mga kapatid ang nangyari at mga limang araw pa pagkatapos ng aking operasyun nila sinabi sa akin na wala na si Nanay. Hindi rin ako pinayagan ng doktor na dumalo sa libing.
Kaya siguro nang ako ay dinala sa operating room, wala akong kaba. Saka ko na lang naisip na siguro inalalayan ako noon ni Nanay. Sabi pa nga ng iba, parang dinugtungan niya ang buhay ko.
Dahil nga sa ako ay dumaan pa sa chemotherapy, mga ilang buwan pa bago ako nakauwi sa amin sa probinsiya at nakadalaw sa puntod ng aking ina. Humingi ako ng pasensya na wala ako sa tabi niya ng siya ay magpapaalam sa mundo.
Marami akong pagkukulang bilang anak at sana naman sa ibang paraan ay mapunuan ko yan, kung hindi man sa kanya, sa ibang taong nangangailangan, habang ako ay nabubuhay dito sa mundo.
Itong araw Undas ay paala-ala sa atin ng ating mga yumaong mahal sa buhay. Dahil sa kanila, nandito tayo.
Wait, there’s more!: Earn money from your blog! Sell link ads and blog your way to the bank.