Natakatawa itong mga prosecutors sa Department of Justice. Nananakot na mag-resign daw sila at low morale na raw.
Sinisisi nila ang Philippine Drug Enforcement Agency, lalo na si Marine Major Ferdinand Marcelino na siyang nag-expose na may lagayan sa Department of Justice para ma-dismis ang kaso laban kina Richard Brodett, Jorge Joseph, at Joseph Tecson na nahulihan ng marijuana at cocaine noong Septyembe 2008.
Sinong tinatakot nila? Hindi naman siguro ang taumbayan na pesteng-peste sa kanila. Hindi naman siguro ang PDEA.
Mukhang ang kanilang tinatakot ay ang kanilang justice secretary, si Raul Gonzalez.
Siguro ang mensahe talaga nila kay Gonzalez ay, “Huwag mo kaming ilaglag. Kasama ka namin dito.”
Kung maayos sila sa DOJ, hindi sila kay Maj. Marcelino dapat magalit. Doon sila dapat magalit sa mga namba-bastos sa kanilang departamento katulad ni Atty. Felisberto Verano na siya pang gumawa ng trabaho nila. Di ba gumawa si Verano release order, sa letterhead pa ng DOJ.
Bakit hindi man lamang nainis ang mga prosecutor doon? Dahil ba sa ‘yan ang kalakaran sa DOJ?
Bakit hindi sila magalit kay Gonzalez mismo na hindi nagbigay ng klarong guideline na hindi maaring i-release ang mga akusado kung hindi aprubado ng secretary of justice ayon sa Memorandum Circular 46. Noong Lunes , Jan. 5, lang nagpalabas ng klarong guideline samantalang limang taon na ang memorandum na yun.
Sadya yata na gawing malabo ang policy sa pagdismis ng mga kaso para ma-interpret depende sa “manok” na ibibigay.
Mukhang umubra naman ang panakot ng mga prosecutor dahil kinampihan naman sila ni Gonzalez. Ang Malacañang naman, siyempre prutektahan si Gonzalez.
Kung hindi, ipaala-ala ni Gonzalez kay Gloria Arroyo na kung hindi nila mina-ubra (kasama si Sen. Kiko Pangilinan) ang canvassing noong 2004 na eleksyon, wala siya ngayon sa Malacañang dahil talo naman talaga siya kay Fernando Poe, Jr.
Kaya, ngayon lang “cleared” na ng Malacañang si Gonzalez dahil siya ang inutusan mag-imbistiga. Alangan ba naman sabihin ni Gonzalez na guilty siya. Siyempre ang sasabihin ng NBI, na nasa ilalim ng DOJ, walang ebidensya sa suhulan sa kaso ng “Alabang boys”.
Hindi ko masisisi si Major Marcelino sa kanyang hindi pagsipot sa NBI.Ano naman ang mahihita niya doon? Baka siya pa ang lalabas na may kasalanan.
Ngunit ito ang klaro sa mamamayan: may nahuling gumagamit at nagtutulak ng droga. Dinismis ang kaso. At kamuntik nang mapalaya ang mga nahuli.Mabuti lang nag-ingay ang PDEA.
Ang laki ng anomalyang ito. Hindi ito makuha sa takipan at takutan.
‘