Noong administrasyun ni Gloria Arroyo, sobra ang lakas ng West Cove na kahit garapalan nang lumalabag ng batas at regulasyun sa Boracay, pinapayagan.
Sana totohanin ng munisipalidad ng Malay sa pamumuno ng mayor na si John Yap na ipasara ang West Cove. Dapat lang. Dapat nga gibain na yun dahil unang-una, bawal tayuan ng istruktura ang corals na iyon ang kinatatayuan ng resort.
Hindi pa nakuntento sa pagtayo sa bawal, nagpa-extend pa ng parang helipad at mga cabana sa dagat.
Grabeng pambabastos at paglabag ng batas ang ginawa ng West Cove sa Boracay.
Nagawa ng West Cover yun dahil ang numero unong tagapagtanggol ng resort noon ay mismo ang Environment Secretary na si Lito Atienza. Ang despalinghado na sagot ni Atienza noon ay, bakit daw West Cove lang ang tinitira ay marami naman diyan sa Boracay ang lumalabag sa batas.
DENR secretary siya. Bakit hindi niya ipahinto at parusahan ang lumalabag sa batas. Ang ginawa niya, dinagdagan pa niya ang umaabuso sa kalikasan.
Bakit malakas ang West Cove kay Atienza? Ang alam doon sa Boracay ang may-ari ng West Cover ay si boxing champ Manny Pacquiao. Front lang daw niya si Crisostomo Aquino na siyang nakalista na may-ari ng resort na naglalambitin sa gilid ng bundok ng Boracay. Matalik na kaibigan ni Pacquiao si Atienza.
Sa Diniwid beach sa barangay Yapak ang West Cove. Sa kabila ito ng barangay Manok-Manok kung saan nandun ang talagang magandang beach. Puno na kasi ang lugar nay yun kaya doon sa walang tao pa sa bandang bundok ng corals pumwesto ang West Cove.
“Dalawang taon na silang nago-operate.Wala silang building permit, wala silang occupancy permit ,” sabi ni Rugen Aguirre, chairman ng Malay municipality committee on laws and ordinances.
Ang pinaglalandakan ni Aquino, ang pumeprente sa West Cove,may hawak daw silang Forest Land Use Agreement for Tourism Purposes (FLAgT) na inisyu ng Department of Environment and National Resources na kanilang nakuha nang si Atienza pa ang secretary.Ang FLAgT ay pumapayag ng pansamantalang paggamit ng forest land para sa turismo ng 25 na tao at maaring i-renew ng dagdag na 25 na taon.
Una, paano sila nabigyan ng FLAgT at hindi naman forest ang tinutuntungan ng West Cove. Corals. Pangalawa, kahit may FLAgT, wala silang building at occupancy permit.
Kaya dapat kasuhan ang mga tauhan ng DENR na may kinalaman sa pag-isyu ng FLAgT na yun sa West Cove.
Sa order ni Mayor Yap, hindi na maaring tumanggap ng bisita ang West Cove. Sayang at ngayon na tag-ulan lumabas ang order at talagang kukunti na ang pumupunta sa Boracay. Dapat noong kasagsagan ng summer.
Ngunit kailangan tutukan ng husto itong isyu ng West Cove. At baka ayusin lang ang papeles, tuloy ang ligaya.