Endorsement ni GMA kay Carpio-Morales

Update: Mike Arroyo opposes nomination of Atty. Ernesto Francisco as Ombudsman

Carpio-Morales

Sang-ayon ako sa sinabi ni Atty. Harry Roque na dahil sa oposisyun ni Gloria Arroyo, ang kinatawan ngayon ng pangalawang distrito ng Pampanga, sa nominasyun ni Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales dapat lang siya na talaga ang gagawing Ombudsman.

Why is she afraid of Carpio-Morales as Ombudsman?

Sabi ni Roque, para kay Arroyo ang napatunayang independence na pinakita ni Justice Carpio-Morales sa mga desisyun sa Supreme Court kung saan nannindigan siya kung saan ang akala niyang tama na palagi ay kabaliktaran nang siya ang naka-upo sa Malacañang.

Ang gusto ni Arroyo, sabi ni Roque, ay ang sunod-sunoran sa kanya katulad ni Merceditas Gutierrez.

Sabi ni Roque tinanggihan niya ang plano ng ibang grupo na i-nominate siya para Ombudsman dahil suportado niya si Carpio-Morales.

Halatang ninenerbyus na si Arroyo ngayon na wala na si Gutierrez sa Ombudsman.

Sumulat si Arroyo sa Judicial and Bar Council na siyang magkikilatis ng mga pwedeng i-rekomenda sa pangulo para sa napakamahalagang posisyun sa programa laban sa kurakutan sa pamahalaan. Sabi ni Arroyo, “If appointed Ombudsman, I sincerely believe that Justice Conchita-Morales would not have the required ‘independence’ and impartiality in resolving cases involving me and my immediate family.”

Nakakatawa. Nagsalita ng ‘independence’ and’impartiality’ si Arroyo na sa siyam na taon niya sa kanyang ninakaw na pwesto sa Malacanang ay ipina-andar ang makinarya ng pamahalaan para matago ang katotohanan at lahat ay sunud-sunuran lang sa kanya.

Baligtad na nga talaga ang mundo para kay Arroyo. Sabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda nang si Arroyo ang naka-upo sa malacanang sinasabi niya na ang mga boto ni Carpio-Morales na laban sa kanya ay katunayan na ‘independent’ ang Supreme Court. Ngayon hindi na raw magiging ‘independent’ si Carpio-Morales.

Magre-retire si Carpio- Morales sa Supreme Court sa Hunyo 19.

Nagsimula nang magsampa ng mga kaso sa kanya ng graft ang corruption. Mahaba-haba yan. Fertilizer scam, PIATCO,NBN-ZTE, Road Users tax, Northrail at marami pang iba.

Dapat isama ang kanyang pandaraya ng 2004 eleksyun. Yun ang pinaka-malaking pagnanakaw na ginawa niya. Pagnanakaw ng boto ng sambayanang Pilipino. Grabeng operasyun yun kasama pa ang pagpalit ng election returns na nakatago sa Batasan Pambansa. Ang laking pera ng bayan ang nagamit doon.

Sa pagtalaga ni kay Arroyo kay Gutierrez sa Ombudsman at kay Renato Corona bilang chief justice ng Supreme Court, kampante si Arroyo na protektado siya sa mga krimen na kanyang ginawa laban sa bayan.

Natanggal si Gutierrez. Kaya hindi nakakapagtaka kung sa ngayon pa lang naghahanap na si Arroyo ng mga bansa na pwede niyang takbuhan kung saka-sakali. Yung walang extradisyun treaty.