Noong isang buwan, nang unang bumulaga ang krisis pinansyal sa Amerika na kumalat na sa ibang parte ng mundo, sinabi ni Gloria Arroyo hindi raw masyadong apektado ang Pilipinas dahil malakas daw ang pundasyon ng ating ekonomiya.
“Fundametals are strong”, yan lang palagi ang kanyang pinagyayabang. At yan daw dahil magaling daw siyang ekonomista kahit na garapalan ang kurakutan sa kanyang administrasyon.
Anong “strong fundamentals” ang pinagsasabi niya samantalang alam naman natin lahat na ang bumubuhay lang sa ekonomiya ng Pilipinas ay ang mga dolyares na pinapadala ng mga Overseas Filipino Workers na hindi bababa sa sampung milyon sa lahat na parte ng mundo, kahit sa kasulok-sulokan ng Alaska at Africa.
Palagi natin sinasabi na hindi dapat ipagyabang ni Arroyo ang ganyang sitwasyon dahil kaya napilitan ang mga Filipino maghanap ng trabaho sa ibang bansa ay dahil walang makuhang trabaho dito sa Pilipinas. Sino ba naman ang gustong magtrabaho sa gitna ng disyerto sa Saudi na malayo sa pamilya?
Lumalaki ang mga anak dito sa Pilipinas na hindi nakikita ng kanilang mga ina na nag-aalaga ng anak ng ibang tao sa Singapore , Hongkong o Italy. Maganda bang buhay yan?
Lumabas nga ang isip-buwitre ng administrasyong Arroyo nang hindi mapigilan ng mga opisyal na maging masaya sa nangyaring bumbahan ng mga terorista sa India dahil ang mga negosyante raw na dapat pumuntang India ay sa Pilipinas na pupunta at magpatayo ng call center.
Ganoon din daw sa turismo. Dahil daw sa gulo pampulitika sa Bangkok, sa Pilipinas na raw pupunta ang libo-libong turista galing Europe. Hindi ganoon ang nangyayari dahil Vietnam at Cambodia ang sumasalo ng mga turista na umiiwas na muna sa Bangkok.
Pina-alam ng Intel, ang pinakamalaking microprosessing na kumpnya sa buong mundo, na isasara na nila ang kanilang planta sa Cavite dahil sa mahina na ang negosyo ng computer. Halos 2,000 ang empleyado ng Intel.
Lahat na kumpanya sa electronics at information technology ay apektado. May pamangkin ako na nagtatrabaho sa isang Hapon na IT company sa Laguna, binawasan na ang araw ng kanilang trabaho. Siyempre, bawas rin ang kita.
Inamin na ni Labor Secretary Marianito Roque na araw-araw daan-daan na manggagawang Filipino ang nawawalan ng trabaho. Hindi na pwedeng retokehin ang unemployment figures.
Maliban sa mga nawawalan ng tabaho dito, parami na parami na ang mga OFW ang umuuwi dahil nawalan na rin ng trabaho.
Sabi naman ni Gloria Arroyo, hindi raw pabayaan ng administrasyon niya ang nawawalan ng trabaho. Kailan pa nangyari yun?
Wala na sigurong masabi ni Secretary Roque dahil ang kanyang solusyon pa rin ay ang pumuntang abroad. Nanganga-ilangan daw ng trabaho sa Bulgaria.
Ay naku.
Wait, there’s more!: Send Money to the Philippines Remit2Home - it’s fast, easy and reliable.